INCHEON, Korea -- Sisimulan ng mga rowers, shooters at tennis players ang kampanya ng Pilipinas sa 17th Asian Games dito.
Pangungunahan ni rower Nestor Colonia ang kampanya ng Pinas sa pagsabak sa men’s 56-kilogram class na gagawin sa Moonlight Festival Garden dito.
Sa ganap na alas-7 ng gabi (6 p.m. sa Manila) magsisimula ang aksyon at malakas ang tsansa ni Colonia na pumasok sa medal race dahil sa magandang ipinakita niya sa paghahanda sa ilalim ng coach at tiyuhin na si Gregorio Colonia.
“Ang personal best niya ay nasa 280 kgs, at kayang mag-medal ito kung mauulit niya sa kompetisyon,” wika ng nakatatandang Colonia.
Ito ang ikalawang Asian Games ni Colonia at tumapos siya sa ikaanim na puwesto sa 2010 Guangzhou, China sa buhat na 255 kgs.
May iba pang Filipino athletes ang mauunang sasalang sa aksyon na sina trap shooters Eric Ang at Hagen Alexander Topacio ang siyang magpapasimula sa laban ng bansa sa qualification round sa ganap na alas-9:30 ng umaga sa Gyeonggido gym.
Sasabak na rin ang mga Pinoy netters na sina Dennis Dy at Katharina Melissa Lehnert sa kababaihan at Fil-Ams Ruben Gonzales Jr. at Treat Huey bukod kay Patrick John Tierro sa kalalakihan.
Sina Benjamin Tolentino (lightweight single sculls) at ang tambalang Nestor Cordova at Edgar Ilas (lightweight double sculls) ang kakampanya sa rowing sa Chungliu Tanguem Lake. (BRM)