MANILA, Philippines - Nakatikim din ng panalo ang Yani Noh Yana matapos pangunahan ang 2YO Maiden A race noong Martes ng gabi sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Si LT Cuadra Jr. ang sakay pa rin ng kabayo at nahigitan ng tambalan ang pangalawang puwestong pagtatapos sa huling takbo noong Setyembre 7 sa race track na pag-aari ng Manila Jockey Club Inc. (MJCI).
Walong kabayo ang naglaban sa karerang itinalaga bilang race one at ang napaboran ay ang Buzzer Beater na ginabayan ni Mark Alvarez.
Patok ang kabayo dahil nasali ito sa PCSO Maiden Race at pumang-anim sa karerang dinomina ng Princess Ella.
Ngunit wala sa kondisyon ang kabayo sa pagkakataong ito at hindi tumimbang.
Ang Wind Factor ang pumangalawa habang ang Cat’s Thunder at Chocolate Hills ang sunod na tumawid sa meta.
Ang win ay nagpasok ng P19.00 habang ang 2-4 forecast ay may P115.50 na ipinamahagi.
Nagpasikat din ang Robert’s Magic na dala ni Rodeo Fernandez nang dominahin ang 3YO and Above Mainden A, B & C race sa 1,500-metro distansyang karera.
Binigyan man ng matinding laban ng napaborang kabayo na Casablanca na tumakbo kasama ang coupled entry na Master Piece, sapat pa rin ang lakas ng Robert’s Magic para makuha ang panalo.
Paborito sa laban ang coupled entries para magpasok pa ng P39.50 ang 6-4 forecast habang ang win ay mayroong P17.00 dibidendo.
Nakabuti naman sa Going West ang pagbaba ng grupo nang nakuha ang panalo sa class division 1A race.
Dating tumatakbo ang kabayong nirendahan ni JD Juco sa class division 2 at nalagay sa pang-walong puwesto sa huling Sali.
Nanaig ang Going West sa The Legend ni GM Mejico para pangatawanan ang pagiging patok sa 10 naglaban.
Dikit-dikit ang benta ng mga kalahok kaya’t may P20.50 ang ibinigay sa win habang ang 4-9 forecast ay mayroong P107.00 dibidendo. (AT)