INCHEON, South Korea – Itataas ng maliit na grupo na punung-puno ng pag-asa, ang bandila ng Pinas ngayon bilang hudyat ng pagdating ng mga Pinoy Athletes sa malawak na Incheon Asian Games Athletes Village.
Pangungunahan ni Chief of Mission Ricardo ‘Ritchie’ Garcia, ang Phi-lippine Sports Commission (PSC) Chairman, ang pagtataas ng bandila sa alas-2:00 ng hapon (alauna sa Manila) kasama ang ilang atleta.
Hangad ng Philippine Team na higitan ang tatlong gold, apat na silver at 9-bronze na nakuha mula sa Guangzhoue Asiad, apat na taon na ang nakakaraan sa China.
Ang mga naunang dumating dito ay ang mga atleta ng weightlifting, shooting, windsurfing, wushu, fencing at tennis habang inaasahang makakasama nila ang mga atleta ng judo, gymnastics at swimming na nakatakdang dumating ngayong umaga.
Ang mga atleta mula sa archery (7-athletes), bowling (12), basketball (12), boxing (8), sailing (2) at triathlon (5) ay darating sa Sabado at Linggo at makukumpleto ang buong delegasyon sa susunod na linggo.
Ito ang isa sa maliit na delegasyon na ilalahok ng Pinas sa Asian Games.
Ngunit optimistiko si Garcia na may maaasa-hang medalya mula sa mga lahok sa BMX cycling, windsurfing, basketball, boxing, wushu, taekwondo at bowling.
Maaari ring asahan ang karatedo, judo, golf, rugby at weightlifting.
“These are athletes possessing potential with credential. We are competing as a very compact, lean, mean team whose members were picked based on the stringent criteria the PSC and the Philippine Olympic Committee (POC) have set,” pahayag ni Garcia.
Nauna nang dumating dito si Garcia upang ipakiusap si Marcus Douthit sa Incheon Asian Games Organizing Committee (IAGOC) na pamalit kay Andray Blatche sa Gilas Pilipinas team.
Hindi pinayagan ng Incheon Asian Games Organizing Committee na makalaro si Blatche dahil wala pa itong tatlong taong residency na itinakda ng Olympic Council of Asia (OCA).