MANILA, Philippines - Winakasan ng Ateneo Eagles ang impresibong kampanya sa 77th UAAP men’s basketball double round elimination sa 68-64 overtime panalo sa FEU Tamaraws kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Nakuha ng Eagles ang number one spot at mahalagang twice-to-beat advantage sa Final Four tangan ang 11-3 karta nang makumpleto ang pagbangon mula sa 19 puntos na pagkakalubog, 36-55 sa huling limang minuto ng regulation.
Si Kiefer Ravena na may 23 puntos, ay naghatid ng 12 puntos sa huling yugto na dinomina ito ng Eagles sa 33-14 produksiyon para magtabla ang da-lawang koponan sa 59-all.
Napanatili pa ng Eagles ang momentum sa overtime at ang split ni Ravena ang nagtulak sa koponan sa 67-64 kalamangan.
Pumagitna ang charity shot na ito sa dalawang steal ng Eagles sa opensa ng Tamaraws na bumaba sa pangalawang puwesto sa 10-4 baraha.
“It was really tough and I really didn’t know how to adjust with different players on me. It was all about team effort and the 33 points in the fourth probably the most for us this season. We’re just happy to be back in the Final Four with the number one spot,” pahayag ni Ravena.
Tinablahan naman ng nagdedepensang kampeong La Salle Green Archers ang FEU sa ikalawang puwesto sa 68-56 pangingibabaw sa National University Bulldogs sa ikalawang laro.
Gumana nang husto ang opensa at depensa ng Archers para dominahin ang second half, 37-25 upang tapusin ang double round elimination sa 10-4 baraha.
Ang FEU at La Salle ang magkikita sa Final Four na magiging best-of-three series dahil unang paglalabanan ng dalawang koponan ang twice-to-beat advantage na ibibigay sa top-two teams matapos ang elims.
Nasa ikaapat na puwesto ang Bulldogs sa 9-5 baraha pero kailangan pa nilang manalangin na matalo ang host UE Warriors sa laro laban sa UST Tigers sa Martes para angkinin ang karapatan na labanan ang Ateneo sa semis.
Kung magwawagi ang UE, magkakaroon sila ng playoff para sa ikaapat at huling upuan na aabante sa susunod na yugto ng kompetisyon.