MANILA, Philippines - Bagama’t si Floyd Mayweather Jr. ang paborito sa 9-1 laban kay Marcos Maidana, malaki ang kanyang itataya sa sagupaang ito kaya hindi siya susugal laban sa Argentine sa kanilang 12-round bout sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas nitong Sabado (bukas ng umaga sa Manila).
Inaasahang gagamitin ni Mayweather, 37-gulang, ang kanyang conservative style para manalo sa puntos.
Walang kasiguruhan kung makikipagsabayan si Mayweather kay Maidana.
Pagkatapos ng labang ito, may dalawa pang laban si Mayweather sa kanyang $250 Million contract sa Showtime at may spekulasyon na parehong nakare-serba ito kontra kay Manny Pacquiao sa May at September sa susunod na taon.
Ayon sa source na malapit kay Pacquiao, kung matutuloy ang laban, kikita ng hindi bababa sa $150 million ang bawat fighter.
Bagama’t marami ang ‘di naniniwala, sinabi ni Mayweather na mana-knockout niya si Maidana para patunayan na hindi pa siya kumukupas.
Noong Mayo, hinayaan niyang pahirapan muna siya ni Maidana sa kaagahan ng laban bago bumawi sa sixth round. Nanalo si Mayweather sa pamamagitan ng majority decision, para magkaroon ng rematch.
Ayon sa mga kritiko, sinadya ni Mayweather na maging dikit ang laban para magkaroon ng rematch.
Imbes na maghanap ng mas mahusay na kalaban, si Mayweather mismo ang tumawag ng rematch.