MANILA, Philippines - May record na 32 koponan ang matutung-hayan sa susunod na FIBA World Cup kung saan ang host country ay hindi na dadaan sa two-year qualification period na magtatampok sa anim na home-and-away matches mula Nobyembre ng 2017 hanggang Pebrero, Hunyo, Setyembre at Nobyembre ng 2018 at Pebrero ng 2019.
Hangad ng Pilipinas na maging host ng 2019 edition at sinabi ni PLDT chairman/SBP president Manny V. Pangilinan, kamakailan ay tinanggap ang imbitasyon ng FIBA secretary-general Patrick Baumann na mapabilang sa FIBA Central Board, na apat hanggang walong venues ang ilalaan para sa torneo.
Ngayong 2014 FIBA World Cup, inilaro ang group stage sa apat na venues sa Spain----Bilbao, Granada, Seville at Gran Canaria.
Ang Madrid at Barcelona ang venue para sa knockout Round-of-16.
Ang playoff para sa third place ay idaraos sa Madrid bukas at ang finals ay nakatakda sa Linggo.
Ang format para sa 2019 tournament ay hindi pa napapanalisa ngunit sa group stage, hahatiin ang 32 koponan sa apat o walong brackets.
Kung apat na brackets ang gagamitin, ang preliminaries ay magkakaroon ng walong koponan sa bawat grupo.
Kung walong brackets ang gagamitin ay magkakaroon naman ng tig-apat na koponan kada group na lalaruin sa walong venues.
Ihahayag ng FIBA ang confirmed list ng mga bidding countries sa Nobyembre.
Sa susunod na buwan ay magsasama-sama ang mga bidders sa Geneva para sa isang workshop.
Sa Enero at Pebrero ay magsasagawa ang FIBA ng ocular inspections ng venues ng mga bidders.
Hindi pa tiyak kung ikukunsidera ng FIBA ang mga pasilidad na kasalukuyan pang ginagawa.
Sa Abril ay gagawin ng mga bidders ang kanilang final presentations sa FIBA at sa Mayo ay magdedesisyon ang FIBA Central Board kung sinong bansa ang nanalo sa bidding.
Ang premyo para sa winning bidder ay ang automatic ticket sa World Cup.
Kung mananalo ang Pilipinas sa bidding ay maaari itong lumahok o hindi na sa gaganaping qualifying process.
Ang 2013 FIBA Asia tournament ang huling zone qualifier para sa World Cup kung saan nakakuha ng tiket ang Iran, ang Pilipinas at ang South Korea sa Spain.
Ang 2015 FIBA Asia Championships ang magiging huling qualifier para sa Olympics ang ang mananalo lamang ang kakatawan sa rehiyon sa 2016 Rio de Janeiro Games.
Sinabi ni PBA commissioner Chito Salud na solido ang suporta ng pro league sa paglahok ng Gilas sa FIBA Asia Championships sa China sa susunod na taon para sa tsansang makapaglaro sa Olympics matapos ang 44 taon.
Huling nakapaglaro ang mga Pinoy sa Olympics noong 1972.
Idinagdag ni Salud na pag-aaralan ng PBA ang qualifying process ng World Cup para madetermina ang paraan ng pagsuporta sa Gilas.