Sisimulan na ni Manny ang intensibong training sa susunod na linggo

MANILA, Philippines – Bumalik na sa bansa si Filipino boxing superstar Manny Pacquiao matapos sumuong sa isang two-week, 27,000-mile media tour kasama si American challenger Chris Algieri para sa promosyon ng kanilang laban sa Nobyembre 22 sa The Venetian sa Macau, China.

Mula sa pagdating sa Ninoy Aquino Terminal 2 ng alas-3:48 ng madaling-araw, sinabi ni Pacquiao na kaagad siyang uuwi sa General Santos City.

Sisimulan ng Filipino world eight-division champion ang kanyang pagsasanay sa susunod na linggo.

“Okay lang naman siya,” sabi ng 5-foot-6 na si Pacquiao sa 5’10 na si Algieri. “Matangkad, parang (Antonio) Margarito. Advantage siya doon, pero sanay naman tayo lumaban ng mataas.”

Itataya ni Pacquiao ang kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) welterweight crown laban kay Algieri, ang bagong WBO light welterweight titlist matapos talunin si Ruslan Provodnikov via split decision noong Hunyo.

Sa kabila ng height at reach advantage ng 30-anyos na si Algieri, sinabi ng 35-anyos na si Pacquiao na may bentahe rin siyang tinataglay.

“May advantage siya, pero may advantage din naman ako,” wika ni Pacquiao na nagsabing darating sa bansa si chief trainer Freddie Roach sa Oktubre 5 para sa kanilang training camp.

Samantala, ikinatuwa naman ni Pacquiao ang 73-71 panalo ng kanyang Kia Motors laban sa Barangay Ginebra sa tune-up game noong nakaraang linggo.

Si Pacquiao ang playing coach ng Kia Motors para sa darating na 40th season ng PBA na magsisimula sa Oktubre 18. (RC)

Show comments