MADRID, Spain – Nakakuha ang Pilipinas ng kakampi sa FIBA kaugnay sa eligibility issue kay naturalized center Andray Blatche para sa Asian Games sa Incheon, Korea.
Ipinag-utos ng international basketball federation (FIBA) sa Asiad organizing committee na isama ang 6-foot-11 NBA veteran sa line-up ng Gilas Pilipinas para sa Incheon Asiad na magsisimula sa Setyembre 19.
Sa isang liham sa mga top officials ng Incheon Asian Games Organizing Committee na may petsang Setyembre 5, iginiit ni FIBA secretary general Patrick Bauhmann na si Blatche ay “registered in FIBA’s eligibility system as a player for the Philippines” at nararapat na makapaglaro sa lahat ng FIBA-sanctioned championships, kasama dito ang Asian Games.
“(Blatche) has, in fact, just played several games this past week at the 2014 FIBA Basketball World Cup in Spain for that country. It is quite confusing to hear that he is now not allowed to compete for the same team just a few weeks later,” wika ni Bauhmann sa kanyang sulat kina IAGOC secretary general Kwon Kyungsang, sports headquarters director general Jo Youngha at entrie department director Mun Hosung.
Ipinaalala ni Bauhmann sa IAGOC na ang International Basketball Federation ang nagtatakda ng eligibility criteria para sa lahat ng basketball athletes sa buong mundo sa kanilang paglahok sa national team competitions sa official basketball competitions na inorganisa o may basbas ng FIBA.
Sinabi pa ni Bauhmann sa IAGOC na ang Asian Games ang gumagamit sa kanilang mga International Referees na siyang nagpapatupad ng Official Basketball Rules ng FIBA.
Ipinilit ng FIBA top official na dapat na gamitin ang FIBA rules.
At sa kasong ito, ang pagpayag ng IAGOC na makapaglaro si Blatche para sa Pilipinas sa Incheon Asiad.
“I would kindly request that you review your decision and apply FIBA’s regulations on eligibility for all teams participating in the basketball tournament at the Asian Games and re-enlist the Filipino player,” ani Bauhmann.
“This would certainly be fair for the athlete concerned and his country,” dagdag pa nito.
“Equally, if the same set of eligibility rules, namely that of the International Federation, is being applied to all international basketball events for national teams across the world, it ensures clarity for the media and the fans alike and credibility for the sport.”
Ang mga binigyan ng kopya ng liham ni Bauhmann ay sina IOC sports director Kit McConnell, NOC relations diretor Pere Miro, OCA director general Husain Al-Musallam at FIBA Asia secretary general Hagop Khajirian.
Kinuwestiyon ng IAGOC ang eligibility ni Blatche sa ilalim ng sinasabi nilang three-year residency rule sa Asiad.
Sinabi ng Samahang Basketbol ng Pilipinas na ang naturang patakaran ay angkop lamang sa mga naturalized players na nakasabak na sa mga international competition para sa ibang bansa.
Umaasa ang SBP na aaprubahan ng IAGOC ang paglilista kay Blatche sa Philippine lineup sa idaraos na delegation registration meeting sa Setyembre 11.
Sa pagkakadagdag kay Blatche ay inaasahang lalaban ang Gilas Pilipinas para sa Asiad gold medal na hindi pa nagagawa ng bansa sa nakaraang apat na dekada.
Ang mga isasabak para sa Incheon Asiad ay sin Blatche, Gabe Norwood, Jared Dillinger, Jayson Castro, Paul Lee, LA Tenorio, Jeff Chan, Gary David, Ranidel de Ocampo, Marc Pingris, Japeth Aguilar at June Mar Fajardo.