MANILA, Philippines - Inupuan ng FEU Tamaraws ang playoff spot sa 77th UAAP men’s basketball Final Four sa pamamagitan ng 75-69 panalo laban sa UP Maroons kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Nagpakawala ng isang three-pointer at dalawang free throws si Alejandrino Iñigo sa huling dalawang minuto ng labanan para pasiglahin ang 7-0 run patungo sa pagsuwag ng Tamaraws sa kanilang ika-siyam na panalo sa 11 laro.
“Thank God at pumasok ang mga tira ni Archie,” agad na naibulalas ni FEU assistant coach Eric Gonzales na siyang dumiskarte dahil ang head coach na si Nash Racela ay nasa Spain kasama ang Gilas Pilipinas na kumakampanya sa 2014 FIBA World Cup.
Sina Mike Tolomia, Mark Belo at import Anthony Hargrove ang nanguna sa FEU sa 19, 14 at 11 puntos.
Tila nasa UP ang momentum papasok sa huling dalawang minuto ng bakbakan nang maipasok ni Diego Dario ang tres para sa 69-68 abante.
Kumapit naman ang Ateneo Blue Eagles sa ikalawang puwesto sa 69-58 panalo sa UST Tigers sa ikalawang laro.
May 23 puntos sa 10-of-22 shooting si Kiefer Ravena.
FEU 75 – Tolomia 19, Belo 14, Hargrove 11, Iñigo 8, Pogoy 7, Cruz 7, Lee Yu 5, Jose 4, Tamsi 0, Ugsang 0, Denila 0.
UP 69 – Gallarza 18, Reyes 14, Dario 10, Moralde 9, Juruena 8, Lao 4, Gingerich 3, Vito 3, Harris 0.
Quarterscores: 19-18; 35-35; 53-52; 75-69.