MANILA, Philippines - Pinangalanan kahapon ni Philippine Azkals coach Thomas Dooley ang 24 players sa kanyang final lineup para sa pagdedepensa sa korona sa PFF Peace Cup laban sa Chinese Taipei, Myanmar at Palestine.
Ang mga ito ay sina Amani Aguinaldo, Misagh Bahadoran, Nate Burkey, Kenshiro Daniels, Jason de Jong, Anton del Rosario, Patrick Deyto, Curt Dizon, Chris at sina Simon Greatwich, Juani Guirado, Mark Hartmann, Carli de Murga, Manny Ott, OJ Porteria, Patrick Reichelt, Simone Rota, Daisuke Sato, Phil at James Young-husband mula sa United Football League.
Ang tatlong mainstays mula sa abroad na ipinatawag para sa Peace Cup ay sina defender Rob Gier, midfielder Paul Mulders at goalkeeper Roland Muller.
Si Far Eastern alumnus Fitch Arboleda ang tata-yong reserve.
“We’re building a great team for the Peace Cup that can win. Obviously, we want to win every game, each tournament,” sabi ni Dooley.
Hindi naman nakasama sa koponan sina Fil-German Mike Ott, Fil-Swiss Martin Steuble at Fil-Spanish Javier Patino.
Si Ott at si Steuble ay nagta-tryout sa Bundesliga second division at Major League Soccer, ayon sa pagkakasunod, habang magtutungo si Patino sa Spain para sa kanyang treatment. Wala namang Philippine passport si Fil-Spanish Alvaro Silva.
Sisimulan ng Azkals ang kanilang title defense sa Miyerkules sa Rizal Memorial kontra sa Chinese Taipei na tumalo sa kanila noong nakaraang taon.
Matapos ang tatlong araw ay haharapin nila ang Asean rival na Myanmar at sa Setyembre 9 ay sasagupain nila ang Asian Cup-bound Palestine, ang bumigo sa kanila sa Asian Football Federation Challenge Cup.
Hinamon ng dating US skipper at World Cup ve-teran challenged ang mga Azkals na patunayan ang kanilang pagiging top team ng Southeast Asia.