Orcollo, Corteza magdedepensa sa 2014 World Cup of Pool

MANILA, Philippines - Muling makikita ang galing nina Dennis Orcollo at Lee Van Corteza sa gagawing pagdepensa sa hawak na titulo sa 2014 World Cup of Pool na paglalabanan sa Mountbatten Centre, Portsmouth, United Kingdom mula Setyembre 23 hanggang 28.

Top seeds sina Orcollo at Corteza matapos pagha-rian ang 2013 edisyon na kung saan ang kanilang tinalo ay sina Niels Feijen at Nick van den Berg ng Netherlands na ginawa sa London.

Ang pagsasama nina Orcollo at Corteza ay nasa ikatlong pagkakataon at balak nilang ibigay sa Pilipinas ang ikaapat na kampeonato sa kompetisyong sasalihan ng 32 bansa at sinahugan ng $250,000.00 premyo.

Sina Efren ‘Bata’ Reyes at Francisco ‘Django’ Bustamante ang naunang naghatid ng dalawang kampeonato na nangyari sa unang edisyon noong 2006 sa Newport, Wales at sa pang-apat na edisyon  noong 2009 sa Pilipinas.

Sina Feijen at Van den Berg ang second seeds habang ang host England ay magpapasok ng dalawang teams na kakatawanin nina Darren Appleton at Karl Boyes (A) at Daryl Peach at Chris Melling.

 Kailangang mailabas agad nina Orcollo at Corteza ang galing sa pagtumbok dahil sasalang agad sila sa Setyembre 23 ng gabi kontra sa Chile.

 

Show comments