MANILA, Philippines - Nagkaroon uli ng pagbabago ang liderato sa hanay ng mga horse owners nang si Atty. Narciso Morales na ang siyang nangunguna sa nasabing hanay.
Kumubra ng 12 panalo ang mga inilahok ni Morales noong nakaraan at may apat na segundo, limang tersero at walong kuwarto puwestong pagtatapos.
May kabuuang 53-46-43-41 karta matapos ang unang pitong buwan ng taon, si Morales ay kumabig na ng nangungunang P7,589,799.46 premyo.
Ang dating nangunguna na Jade Bros. Farm ay nalagay sa ikalawang puwesto sa P7,095,157.23 premyo sa 51 panalo, 37 segundo, 29 tersero at 42 kuwartong pagtatapos.
Napantayan ni Patrick Uy ang pinakamalaking bilang ng panalo na 53 bukod sa 23 segundo, 33 tersero at 46 kuwarto puwestong pagtatapos para magkaroon na ng P6,806,388.33 premyo.
Ang dating nakalamang din na si Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos at Aristeo Puyat ay bumaba na sa ikaapat at limang puwesto.
Si Abalos ay may P6,282,000.13 premyo sa 23-33-20-11 una hanggang ikaapat na puwestong pagtatapos habang si Puyat ay umani na ng P6,098,159.88 sa 39-37-51-36 karta.
Ang iba pang horse owners na nasa unang sampung puwesto ay sina RB Dimacuha sa P5,926,763.26 (37-27-21-19), SC Stockfarm sa P5,736,252.99 (38-25-28-17), Triple Crown horseowner champion Manny Santos sa P5,525,198.41 (14-7-8-9), Tony Tan Jr. sa P5,195,619.80 (25-17-17-25) at makailang-ulit na Horse Owner of the Year Hermie Esguerra sa P4,758,111.02 (32-19-13-5).
Malaki pa ang posibilidad na magkaroon ng pagbabago sa mga susunod na buwan dahil lalarga na ang mga malalaking stakes races. (AT)