Batang Gilas kinapos
MANILA, Philippines - Kinapos ang Batang Gilas sa kanilang kampanyang makabalik uli sa world stage matapos lumasap ng nakapanlulumong 86-90 pagkatalo sa Chinese Taipei kahapon sa quarterfinals ng 23rd FIBA-Asia Under-18 Championship sa Al-Gharafa gym sa Doha, Qatar.
Hindi naprotektahan ng mga batang Pinoy ang kanilang 82-80 lead patungo sa huling anim na minuto ng laro at nagmintis ng mga krusyal na tira sa huling maiinit na minuto ng labanan para magkaroon ng pagkakataon ang mga Taiwanese na agawin ang panalo at makasiguro ng semis spot bukod sa pagtatakda ng laban kontra sa powerhouse China.
Ang misyon ng Batang Gilas, suportado ng MVP Sports Foundation at Smart ang biyahe ay magawa rin ang pagku-qualify sa FIBA U-17 World Cham-pionship na ginanap sa Dubai noong nakaraang linggo matapos maka-silver medal sa FIBA-Asia U-16 sa Iran noong nakaraang taon.
Pero sa kanilang pagkatalo, naglaho ang pag-asa ng Jamike Jarin-mentored Nationals na makuha ang isa sa tatlong nakatayang slots para sa 2015 FIBA U-18 World Championship sa Greece.
Kakalabanin ng Batang Gilas ang Kazakhstan kung saan ang mananalo ay may tsansang makapagtapos ng fifth place.
Ang isa pang semis match ay South Korea kontra sa Iran.
Sinikap na maisalba nina Kobe Paras, anak ng kaisa-isang PBA Rookie MVP winner na si Benjie Paras na naglalaro para sa Cathedral sa Los Angeles at Dave Wilson Yu, nang maidikit nila ang Phl team sa tatlong puntos, 86-89 wala nang isang minuto ang natitirang oras sa laro pero nagmintis sa mga mahahalagang baskets na sana ay nagbigay sa kanila ng tsansa sa panalo.
- Latest