Gilas nakatikim ng panalo

MANILA, Philippines - Nakakuha na rin ng panalo ang Nationals.

Giniba ng Gilas Pilipinas ang Egypt, 74-65, sa isang friendly match sa Guadalajara, Spain anim na araw bago ang 2014 FIBA World Cup sa Spain.

Kumamada si Jeff Chan ng 20 points, tampok ang apat na three-pointers para sa unang panalo ng Na­tio­nals matapos ang limang sunod na kamalasan sa ka­nilang mga tune-up games.

Nag-ambag si naturalized center Andray Blatche ng 14 points sa second half para talunin ang Egypt, su­megunda sa 2013 FIBA Afro Championship.

Humakot si Marc Pingris ng 12 points at 5 rebounds, habang may 8 markers si June Mar Fajardo ka­sunod ang tig-7 nina Ranidel de Ocampo at Gabe Nor­wood.

Nauna nang natalo ang Gilas Pilipinas sa France, Australia, Ukraine, Euzkadi-Basque at Angola.

Ang kanilang huling tune-up match ay laban sa Do­minican Republic.

May 5-3 baraha ang Egypt bago natalo sa Natio­nals.

Sa 2014 FIBA World Cup ay makakasama ng Gilas Pilipinas sa Group B ang Greece, Argentina, Puerto Rico, Croatia at Senegal.

Show comments