MANILA, Philippines - Lumundag si Marestella Torres ng 6.45 metro para kunin ang gintong medalya sa long jump event sa idinadaos na 76th Singapore Open Track and Field Championships sa Choa Chu Kang Stadium sa Singapore.
Nagawa ng 4-time SEA Games gold medalist at two-time Olympian ang marka sa ikaanim at huling attempt noong Sabado para burahin ang naunang pinakamalayong talon na 6.34m sa ika-limang jump at kunin ang ikalawang ginto sa pangatlong international tournament na sinalihan.
Sa Hong Kong noong Hunyo unang nanalo si Torres sa 6.26m, habang pilak ang nakuha niya sa Vietnam sa 6.14m.
Nagbabalik mula sa mahigit isang taong pamamahinga at noong Enero ay nanganak, ang performance ni Torres ay higit sa 6.37m qualifying jump na naunang itinakda ng Asian Games Task Force para mapabilang sa pambansang delegasyon na lalaro sa Incheon, Korea.
Pero ayon kay Task Force member at POC chairman Tom Carrasco, Jr., noon pang Agosto 15 natapos ang deadline para sa submission ng pangalan ng atleta na itinakda ng Asian Game Organizing Committee at hindi na maihahabol si Torres.
Noong Agosto 9 ay isinalang si Torres sa performance trial pero ang pinakamalayong talon ay nasukat sa 6.17m.
Ang Fil-Am na si Eric Shauwn Cray ay naghari sa men’s 400m hurdles sa kanyang oras na 51.60 segundo, habang si Christopher Ulboc ang nagkampeon sa 3,000m steeplechase sa 9:16.51 tiyempo.