MANILA, Philippines - Ipinakita ng Hagdang Bato na milya-milya ang layo ng angking galing kumpara sa imported horse na Crucis matapos magtuos sa isinagawang Challenge of Champions Cup noong Linggo sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Kinargahan agad ng hineteng si Jonathan Hernandez ang Hagdang Bato sa pagsisimula pa lang ng karera na inilagay sa 1,750-metro.
Sumabay ang Crucis sa pagdadala ni Jeff Zarate at nagbayad ang kabayo dahil pagod na pagod na ito pagsapit sa rekta.
Dahil dito ay solong lumayo ang back-to-back Horse of the Year awardee na pag-aari ni Mandalu-yong City Mayor Benhur Abalos tungo sa dominanteng panalo.
Naorasan ang Hagdang Bato ng 1:51.4 sa kuwartos na 10’, 23, 24’, 25’ at 28 para maibulsa rin ang P600,000.00 gantimpala mula sa P1 milyon na inilagay ng nagtaguyod na Resorts World.
Ang Pinespun ni John Alvin Guce ang pumangala-wa, halos walong dipa ang layo sa Hagdang Bato para bitbitin ang P225,000.00 bago tumawid ang Boss Jaden ni Jeff Bacaycay tu-ngo sa P125,000.00 premyo.
Nangulelat ang dikit na second choice na Crucis para sa pakonsuwelong P50,000.00.
Dahil dikit ang benta ng Hagdang Bato at Crucis na pinakamahusay na imported horse noong nakaraang taon, umabot pa ang win ng P10.50 habang P31.00 ang ipinasok ng 4-2 forecast.
Ang King Bull at Malaya na pag-aari rin ni Abalos ang iba pang naihatid sa panalo ni Hernandez. (AT)