MANILA, Philippines - Nagdesisyon si free-agent forward Shawn Marion na lumaro sa Cleveland Cavaliers, ayon sa source ng Yahoo Sports.
Pinili ni Marion na makasama si LeBron James sa Cleveland, matapos tanggihan ang pagkakataong lumaro sa Indiana Pacers, Miami Heat o Los Angeles Clippers.
Inaasahang ihahayag ng Cavaliers ang pagpirma ng four-time All-Star ng kontrata na minimum para sa isang veteran, nitong Lunes.
Nag-average si Marion ng 10.4 points at 6.5 rebounds noong nakaraang season para sa Dallas Mavericks.
Nabuo ang desisyon ni Marion matapos makausap ang kanyang mga representatives sa Chicago kung saan lumaro ng exhibition game ang USA Basketball team kontra sa Brazil noong Sabado, ayon sa source.
Nasa laro rin si Cleveland general manager David Griffin. Magkaibigan sina Marion at Griffin dahil dati na silang nagkasama sa Phoenix Suns.
Nabago ng husto ang line-up ng Cavs dahil nakuha nila sina James, Mike Miller at James Jones at nakipagkasundo sa Minnesota Timberwolves para makuha si All-Star forward Kevin Love.
Optimistiko rin ang Cavs na pipirma sa kanila si Ray Allen bago magsimula ang training camp, ayon pa sa isang source ngunit nag-iisip pa ito kung lalaro pa siya o magreretiro na.