MANILA, Philippines - Sa ikalawang pagkikita ng magkaribal na paaralan na La Salle at Ateneo ay namayagpag si Jeron Teng para tudlain ng Green Archers ang Blue Eagles, 88-86 sa 77th UAAP men’s basketball kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
May 15 puntos agad si Teng sa unang yugto at 21 sa first half para tulungan ang Archers na hawakan ang pinakamalaking kalamangan sa laro na 13 puntos, 23-10.
Bumangon ang Eagles pero si Teng pa rin ang tumapos ng kanilang hininga sa kanyang dalawang free throws sa huling 8.1 segundo para ilayo ang Archers sa apat, 87-83. Ang marka ni Teng ay kanyang season high at sinangkapan niya ito ng 17-of-20 shooting sa free throw line.
May limang puntos, kasama ang isang tres si Sargent nang pakawalan ng nagdedepensang kampeon ang 8-2 bomba upang ang 75-73 iskor para sa Ateneo ay naging 81-77 kalamangan.
“We expected this kind of game. It was well fought and Jeron made very good reads against their defense,” wika ni Archers coach Juno Sauler na nakaganti sa 86-97 pagkatalo sa bataan ni coach Bo Perasol sa first round.
Nakasalo rin ang Archers sa Eagles at FEU Tamaraws sa unang puwesto sa 6-2 karta para maging mahigpitan ang tagisan para sa unang dalawang puwesto na magtataglay ng twice-to-beat advantage sa Final Four.
Sumama ang Tamaraws sa itaas ng standings matapos ang 74-70 overtime panalo sa National University Bulldogs sa unang laro.
Sina Mark Belo at Mike Tolomia ay may 23 at 18 puntos pero si Carl Cruz ang sinandalan ng Tamaraws para maihirit ang overtime at manalo sa extension.
Si Alfred Aroga ay may 17 puntos para sa Bulldogs na nalaglag sa 5-3 karta. (AT)