MANILA, Philippines - Kabuuang P6.6 milyong piso ang paglalabanan sa paglarga ngayon ng Mayor Ramon D. Bagatsing Cup Racing Festival sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Lahat ng 13 karerang paglalabanan ay sinahugan ng malalaking premyo at tampok na karera ay ang Challenge of Champions Cup na sinahugan ng P1 milyong premyo.
Malalaman sa tagisang ito kung sino sa pagitan ng mga premyadong kabayo na Hagdang Bato at Crucis ang mas mahusay sa karerang paglalabanan sa 1,750-metro.
Si Jonathan Hernandez ang didiskarte sa back-to-back Horse of the Year awardee Hagdang Bato, habang si Jeff Zarate ang gagabay sa Crucis na pinakamahusay na imported horse noong nakaraang taon.
Ang Boss Jaded ni Jeff Bacaycay at Pinespun ni John Alvin Guce ang kukumpleto sa apat na kabayong karera at ang mananalo sa race seven na ito ay mag-uuwi ng P600,000.00 premyo.
Isa pang tampok na karera ay ang Philracom-Bagatsing Cup Division 1 na katatampukan ng limang kabayo na magsusukatan sa 1,600-metro distansya.
Ang Presidential Gold Cup champion na Pugad Lawin na gagabayan ni Jessie Guce ang tiyak na mapapaboran sa karerang nilagyan ng P700,000.00 premyo at ang mananalo ay may P420,000.00 gantimpala.
Ang iba pang kasali ay ang Don Albertini (KB Abobo), Batangas Magic (JPA Guce), Borjkahlifa (FM Raquel Jr.) at El Libertador (JB Hernandez)
Ang anim na iba pang karera ay may P400,000.00 premyo.
Ang nalalabi namang limang karera ay may P500,000.00 gantimpala para matiyak na palaban ang lahat ng mga kabayong mapapanood.