MANILA, Philippines - Kung matutuloy ang pinaplanong season-opening doubleheader sa 55,000-seat Philippine Arena sa Bulacan sa Oktubre 19 ay inaasahang gagawin ni playing coach Manny Pacquiao ang kanyang debut para sa Kia Motors kontra sa Blackwater.
Kasunod nito ay ang laban ng Ginebra San Miguel at Talk ‘N’ Text.
Sinabi kahapon ng isang PBA source na isang pulong ang pinaplantsa sa pakikipag-usap sa mga Philippine Arena officials ukol sa pagdiriwang ng liga sa kanilang ruby anniversary sa pinakama-laking indoor stadium sa buong mundo.
Sinasabing positibo ang tugon ng Philippine Arena officials para sa pagdaraos ng inaugural twinbill.
Ngunit bago isuot ni Pacquiao ang kanyang Kia uniform ay dapat muna siyang piliin sa PBA draft sa Agosto 24 sa Robinson’s Manila.
Ang WBO welterweight champion ay isa sa 95 rookie applicants na sasailalim sa biometrics sa Lunes at Martes simula sa alas-8 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali sa Hoops Center sa Shaw Boulevard, Mandaluyong.
Ilalabas ni PBA commissioner Chito Salud ang final list ng mga inaprubahang rookie eligibles sa Agosto 20.
Kasama sa listahan ngayong taon ang 15 Fil-foreigners sa pamumuno ng sinasabing magiging first overall draft choice na si Stanley Pringle ng Penn State.
Hindi naman makakadalo si Pacquiao sa PBA draft dahil kailangan siyang sumama sa global media tour ng Top Rank para sa promosyon ng kanyang Nov. 23 title defense laban kay undefeated challenger Chris Algieri sa Macau.