41st World Chess Olympiad May pag-asang maabot ng Pinoy chessers ang top 20

MANILA, Philippines - Dinurog ng Philippine men’s team ang Bolivia, 4-0,  upang magkaroon ng tsansang tuparin ang asam na top 20 finish  patungo sa 11th at final round ng 41st Chess Olympiad sa Tromso, Norway nitong Martes.

Pare-parehong nanalo sina Grandmaster Julio Catalino Sadorra, GM John Paul Gomez, International Master Paulo Bersamina at GM Jayson Gonzales kontra kina GM Oswaldo Zambrana, IM Jose Daniel Gemy, IM Jonny Cueto at Javier Monroy, ayon sa pagkakasunod upang umakyat ang mga Pinoy sa 38th-56th places taglay ang 12 points.

Ang women’s team ay natalo sa 25th seed Latvia, 3-1,   matapos ang masaklap na pagkatalo nina Chardine Che-radee Camacho at Catherine Perena kina WGM Dana Reizniece Ozola at WIM Katrina Skinke sa Board 1 at 4.

Naka-draw naman sina Janelle Mae Frayna at Jan Jodilyn Fronda kina  WGMs Laura Rogule at Ilze Berzina Board 2 at 3 para sa 42nd-56th spots na may 11 points.

Sunod na kalaban ng Phl women’s team ang Belgium sa huling round.

Nagbida si Gomez sa impresibong panalo ng men’s team  Filipinos  nang kanyang ipanalo ang drawish position matapos ang 78-move ng Queen’s Pawn duel kontra kay Gemy sa Board 2 na may 2-pawn advantage.

Matapos ang 10 rounds, magkakaroon uli ng break ang torneo at sa pagpapatuloy ng aksiyon ay makakaharap ng men’s team ang 37th seed Canada na kailangan nilang talunin para makapasok  sa top 20.

Itinakda ng Phl Men’s team ang top 20 finish na kanilang target bago umalis ng Pinas na pinagdududahan ng marami dahil hindi kasama sa team ang mga dating pambatong si GM Wesley So at Oliver Barbosa.

Show comments