MANILA, Philippines - Maganda ang ipinakikita ni Marestella Torres kung ang paghahanda niya para sa 2016 Rio de Janeiro, Brazil Olympics ang pag-uusapan.
Ayon kay James Lafferty na siyang tumutustos sa pagsasanay ni Torres, kahanga-hanga ang ipinakikitang determinasyon ng 33-anyos na long jumper lalo pa’t noong Enero ay isinilang niya ang kanilang unang anak ng asawa at isang shot put athlete na si Eleazer Sunang.
“It takes about a year to come back from pregnancy and I’m extremely proud of her,” wika ni Lafferty matapos makitang tumalon sa performance trial si Torres sa Philsports Oval sa Pasig City noong Sabado.
Nanalo ng ginto sa Hong Kong meet at pilak sa Vietnam Open, nabigo ang SEA Games long jump queen na mapantayan ang 6.37m qualifying mark para di makasama sa Asian Games sa Incheon, Korea.
Ang kanyang pinakamalayong lundag ay nasa 6.17 metro lamang.
Si Torres ay kasama ni decathlete Jesson Ramil Cid sa itinutulak na programa ni Lafferty na Adopt An Olympian at hindi apektado ang suportang makukuha ng 2009 Asian Championship gold medalist sa ‘di niya pagpasok sa Incheon Games.
“I never started an Asian Games project. What I started in an Olympic project. This (Asian Games) is just an added bonus if she can go its great. But she’s in an Olympic project and she’s still on for Rio as far as I’m concern,” dagdag ng GM ng British American Tobacco Philippines.
Nagsabi rin si Torres na magpapatuloy sa kanyang pagsasanay sakaling hindi man masama sa Asian Games.
“Masakit sa akin kung hindi ako masasama dahil gustung-gusto ko na mag-Asian Games. Pero kung hindi ako makasama, magpapatuloy ako sa pagsasanay at ipapakita ko sa kanila na kaya ko pa,” wika ni Torres na ang SEAG at Philippine record ay nasa 6.71m na naitala noong 2011 SEA Games sa Indonesia.
Pinagpaplanuhan ng PATAFA na isama si Torres sa Singapore Open sa huling linggo ng buwang kasalukuyan pero ang intensibong paghahanda para sa Olympics ay nakakasa sa 2015 na kung saan ipapadala siya sa Europe para makalaban ang mga tini-tingala sa kanyang event sa nasabing kontinente. (AT)