MANILA, Philippines -Premyong $1.5 milyon ang sinasabing tatanggapin ng bagong world light welterweight titlist na si Chris Algieri sa kanyang paghahamon kay Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao.
Ngunit ayon kay Algieri, hindi pera ang mahalaga sa kanya kundi ang talunin ang isang kagaya ni Pacquiao.
“I’m not here just for a payday. I’m not here just to fight Manny Pacquiao,” sabi ng 5-foot-10 na si Algieri. “I’m coming to win this fight and i’m going to be fully prepared on fight night.”
Itataya ng 5’6 na si Pacquiao (56-5-2, 38 knockouts) ang kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) welterweight crown kontra kay Algieri (20-0-0, 8 KOs) sa Nobyembre 22 sa The Venetian sa Macau, China.
Sa kanyang pag-agaw sa WBO light welterweight belt ni Ruslan Provodnikov noong Hunyo ay tumanggap si Algieri ng premyong $200,000.
At hindi hamak na mas malaki ang kanyang makukuha sa pagharap sa 35-anyos na si Pacquiao.
Sinabi ni Algieri na karapat-dapat siyang tumanggap ng malaking premyo bilang isang world champion.
“Everyone was saying I didn’t belong in there. Obviously I proved I belonged to be there. People are saying I don’t belong to be in with Manny. You will see on November 22nd, that I belong to be there. I’m gonna go out and be me and if I’m me, to a 100%, I’m gonna win that fight,” sabi ni Algieri.
Nabawi ni Pacquiao ang kanyang WBO welterweight title kay Timothy Bradley, Jr. sa kanyang panalo sa kanilang rematch noong Abril.
Inaasahang tatanggap si Pacquiao ng higit sa $20 milyon sa pagsagupa kay Algieri.
Gagawin ang kanilang laban sa catchweight na 144 pounds. (RC)