MANILA, Philippines - Anim na kabayo ang idineklera na maglalaban sa 2014 Philracom Imported/Local Stakes Race na gagawin sa Linggo sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.
Ang mga magtatapat sa isang mil-yang karera at inialay kay Dr. Antonio C. Alcasid Sr. ay ang Mara Miss, Bentley, La Furia Roja, Jade Avenue at coupled entries na Excelsia at Husso Porte.
Sinahugan ang stakes race na bukas para sa mga edad tatlong taong gulang pataas na kabayo ng P500,000.00 ng nagtataguyod ng Philippine Racing Commission (Philracom) at ang mananalo ay magbibitbit ng P300,000.00 gantimpala.
May P15,000.00 win ang breeder ng mananalong kabayo kung ito ay local horse.
Samantala, kinuha ng Hagdang Bato ang ikalawang sunod na panalo matapos manalo sa isang special class division race noong Martes ng gabi sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Si Jonathan Hernandez ang rumenda uli sa premyadong kabayo at walang naging problema ang tambalan para mapagharian ang 1,300-metro distan-syang karera.
Tinalo ng naliyamadong kabayo na sumalang kasama ang coupled entry El Libertador ni AR Villegas, ang Lord Of War ni CB Tamano at isa sa tatlong kabayo na binigyan ng top weight na 58 kilos.
Huling tumakbo noong Hulyo 28 sa nasabi ring race track, ang ipinakita ang senyales na papasok ito na nasa magandang kondisyon sa pagtutuos sa imported horse Crucis sa Bagatsing Cup sa nasabing racing club sa Agosto 17.
Kumubra rin ng tagumpay ang Pinespun na ginabayan ni EG Reyes sa isa ring special handicap race sa mas mahabang 1,400-metro distansya.
Naisantabi ng tambalan ang hamong ipinakita ng Sliotar sa pagdadala ni jockey NK Calingasan upang madugtungan ang panalong naikasa noong Hulyo 29 sa Metro Turf Club.
Wala sa kondisyon ang napaborang Spinning Ridge dahil hindi tumimbang ang kabayong dala ni John Alvin Guce.
Nagpasok ang win ng P17.50 habang ang 3-6 dehadong forecast ay may P95.50 ipinamahagi.
Sa kabilang banda, balik-taya ang nangyari sa panalo ng Hagdang Bato habang P9.50 ang ibinigay sa 4-1 forecast. (AT)