Army lalapit sa semis

MANILA, Philippines - Hawakan ang playoff para sa puwesto sa semifinals ang balak ng Army Lady Troopers sa pagbangga sa Air Force Air Spikers sa Shakey’s V-League Season 11 Open Conference quarterfinals ngayon sa The Arena sa San Juan City.

Kasalo sa unang puwesto ng nagdedepensang kampeon Cagayan Valley Lady Rising Suns sa 6-1 karta, tiyak na handang ipamalas uli ng Army ang bangis ng pag-lalaro sa Air Force na gustong patatagin ang kapit sa ikaapat na puwesto kung makuha ang ikaa-nim na panalo matapos ang siyam na laro.

Ang laro ay itinakda dakong alas-4 ng hapon matapos ang pagkikita ng National University Lady Bulldogs at PLDT Home Telpad Turbo Boosters sa ganap na ika-2 ng hapon.

Ang mangungunang apat na koponan sa anim na naglalaban ay aabante sa Final Four sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s bukod sa ayuda ng Mikasa at Accel.

Ang Lady Bulldogs at pahingang Ateneo Lady Eagles ang magkasalo sa ikalima at anim na puwesto sa 3-5 karta at kailangan nilang walisin ang nala-labing apat na laro para magkaroon pa ng tsansa na makahirit ng playoff.

Natalo ang Lady Bulldogs sa Air Force at kailangang lumabas ang itinatagong galing ng bawat manlalaro dahil nais din ng Turbo Boosters na bumalikwas buhat sa ‘di inaasahang straight sets pagyuko sa Ateneo sa pagsisimula ng quarterfinals noong Linggo.

Sasandalan ng Air Force ang magandang ipinakita sa huling laro nina Judy Caballejo, Joy Cases, Jociemer Tapic, Liza Deramos at setter Rhea Dimaculangan.

Ipantatapat ng Lady Troopers ang batikang manlalaro na sina Rachel Ann Daquis, Mary Jean Balse, Nerissa Bautista, Jovelyn Gonzaga at setter Tina Salak upang maiusad na rin ang isang paa tungo sa semis.

 

Show comments