Bulldogs ‘di bumitaw

MANILA, Philippines - Nagtrabaho nang husto ang National University Bulldogs para pawiin ang naunang malakas na pagsisimula sa huling yugto ng UE Red Warriors tungo sa 57-55 panalo sa 77th UAAP men’s basketball kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Nakita na naglaho ang walong puntos na kalama-ngan sa pagsisimula ng huling yugto matapos magpakawala ang Warriors ng 18-4 bomba, sinandalan ng Bulldogs ang lakas sa offensive rebounding at matibay na depensa ni Alfred Aroga para manatiling nasa unang puwesto ang NU sa 5-1 karta.

“They refused to lose. They are all focused on making stops that fueled our offense,” papuri ni Bulldogs coach Eric Altamirano.

Ibinuhos ni Kiefer Ravena ang 12 sa kanyang 23 puntos sa huling yugto para bitbitin ang Ateneo Eagles sa 81-78 panalo sa FEU Tamaraws sa ikalawang laro.

Ang step-back jumper na nasundan ng 3-pointer at dalawang free throws ang nagbigay sa Eagles ng pinakamalaking kalamangan sa laro na 75-66.

Nagtulong sina Mark Belo at Mike Tolomia para ilapit pa ang Tamaraws sa dalawang puntos, 80-78, pero naghatid ng split si Ravena habang napalakas ang tama sa  board para tumalbog papalabas ang bola sa sana ay panablang tres ni Tolomia upang  lasapin ng FEU ang ikalawang pagkatalo sa limang laro.

Tatlong offensive rebounds ang kinolekta ng NU matapos hawakan ng UE ang 54-48 kalamangan. Ang huling offensive glass galing kay Aroga ang nagresulta para sa 3-pointer ni Gelo Alolino upang kunin ng Bulldogs ang kalamangan sa laro, 55-54.

Pinalawig ni Aroga sa tatlo ang bentahe sa magandang entry pass mula kay Jeth Rosario, 57-54, pero lumaban pa ang Warriors sa pagsisikap ni Roi Sumang.

Isang free throw ni Sumang ang bumasag sa mahigit na tatlong minutong kawalan ng iskor ng UE bago kinakitaan ng dalawang magkasunod na errors ang Bulldogs para bumalik ang bola sa host school sa huling 17.1 segundo.

Umatake si Sumang pero sinabayan siya ni Aroga para kailanganin ng UE guard na ibitin ang lay-up para sumablay.

May solidong 18 puntos at 16 rebounds si Aroga habang sina Glenn Khobuntin at Rosario ay may 14 at 11 puntos.

Tig-16 puntos ang ginawa nina Sumang at Pedrito Galanza Jr. pero sina  Charles Mammie at Moustapha Arafat na nagsanib sa 15 rebounds, ay hindi nakapuntos sa laro nang sumablay ang pinagtambalang walong attempts para malaglag ang UE sa ikatlong sunod na pagkatalo.

 

Show comments