MANILA, Philippines - Ininda ng Pilipinas ang masamang panimula na naging dahilan ng kanilang kabiguan sa China, 2-4 sa 2014 World Pool Team Championship na natapos kahapon sa Tongzhou, Luhe High School sa Beijing, China.
Pangalawang koponan ito ng host team na binuo nina Liu Haitao, Wang Can, Dang Jinhu at Fu Xiaofang at naipaghiganti rin nila ang 4-0 pagkatalo ng China 1 na kinatawan nina Wu Jiaqing, Chu Bing Chia, Li He Wen at Han Yu sa Pilipinas sa semifinals.
Kinalos ang Japan, 4-2, sa semifinals, hindi binigyan ng pagkakataon ng host ang bisitang koponan nang kunin ang naunang tatlong laro.
Nangibabaw si Liu kay Orcollo, 6-4, sa 8-ball men’s singles bago nanaig sina Wang at Dang kina Biado at Corteza, 6-2, sa 8-ball doubles.
Umangat sa 3-0 ang China sa 8-5 panalo ni Dang kay Corteza para mangailangan na lamang ng isang panalo sa huling tatlong laro.
Pero hindi agad na bumigay ang Pilipinas at si Amit ang nagsilbing mitsa sa pagbangon nang kunin ang 8-4 panalo kay Fu sa women’s 9-ball.
Pinawi ni Orcollo ang kabiguan sa 8-ball sa 7-5 panalo kay Wang sa 10-ball singles para maiwan kina Biado at Amit ang tsansang maitabla ang tagisan sa 10-ball mixed kontra kina Haitao at Liu Shasha.
Umangat ang host sa 6-3 kalamangan pero nakuha nina Biado at Amit ang sumunod na dalawang racks para lagyan ng pressure ang dalawang Liu.
Ngunit humugot ng inspirasyon ang mga Chinese cue artists sa mga manonood para maipanalo ang 12th rack at angkinin ang titulo at $80,000.00 gantimpala.
Premyong $40,000.00 ang paghahatian ng koponan na nabigong higitan ang pangalawang puwestong pagtatapos noong 2010.
Ang Chinese-Taipei ang naghari noong 2012 pero hindi nila nagawang idepensa ang titulo nang patalsikin ng Pilipinas sa taong ito.