Tune-up game ng Kia, nakansela dahil kay Pacquiao

MANILA, Philippines - May tune-up match sana sa pagitan ng Kia Motors at isang koponang sinasabing pangununahan ng Division 1 players sa US NCAA  pero hindi ito natuloy.

Kakalabanin sana ng Kia Motors, isa sa tatlong bagong teams sa Philippine Basketball Association (PBA), ang isang US team kahapon sa Unilab Gym sa Mandaluyong.

Ang laro ay bahagi ng paghahanda ng Kia at gagamitin din nilang sukatan sa mga player  para malaman kung sino ang bibigyan ng posisyon sa team.

Ngunit sinabi ni team manager Eric Pineda na hindi nila ito itunuloy dahil ang playing-coach ng Kia na si boxing superstar Manny Pacquiao, ay hindi makakarating dahil nasa  General Santos City ito at walang makuhang flight pa-balik ng Manila para makahabol sa laro.

Sinabi ni Pineda na si Pacquiao mismo ang nag-ayos ng tune-up game laban sa foreign team na kabibilangan din ng mga American missionaries na nandito sa bansa. Inaasahang gagawin ang laro sa susunod na linggo.

Lumaro  na ang mga Amerikano ng ilang seryosong tune-up matches  kalaban ang mga local teams, kabilang ang isang PBA squad at collegiate team.

Sinabi ni Pineda na kasalukuyang nagpapa-tryout pa ang Kia team at bagama’t nakipagkasundo na sila sa ilang players ay wala pang napipirmahang kontrata.

Sa kasalukuyan, nagpa-practice ang Kia sa gym na pagmamay-ari ng Unilab na gumagawa ng pain reliever na Alaxan na isa sa iniendorso ni Pacquiao.

Ang koponan ay lilipat ng quarters sa Azure, ang sosyal na beach resort condominium sa Bicutan kapag gawa na ang basketball at boxing gym doon.

Show comments