Army nakatikim ng talo sa Cagayan

MANILA, Philippines - Napangalagaan ng Cagayan Valley Lady Rising Suns ang pagiging natatanging koponan na  naka-sweep sa Shakey’s V-League nang pataubin nila ang naunang namamayagpag na Army Lady Troopers, 27-25, 20-25, 25-23, 25-22, sa Season 11 Open Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Lumabas ang karanasan na taglay ng nagdedepensang kampeon sa ikatlo at apat na sets para makuha ito at tapusin ang naunang limang sunod na panalo ng Lady Troopers.

Umakyat ang Lady Rising Suns sa 4-1 baraha at hindi na mapapantayan sa taong ito ang 16-0 sweep na kanilang ginawa nang dominahin ang ligang may ayuda ng Sports Vision at handog  ng Shakey’s noong nakaraang taon.

Si Aiza Maizo ay may 22 puntos at ang bagitong si Janine Marciano ay may 18 at ang dalawa ay nagsanib sa 36 kills para bigyan ang Cagayan ng 55-53 kalamangan sa attack points.

Sina Shiela Pineda at Rosemarie Vargas ay may 10 at 9 digs habang may apat na blocks si Pau Soriano upang itulak ang koponan sa 10-9 bentahe sa departamento.

May 20 puntos si Rachel Ann Daquis habang 16 at 13 ang ibinigay nina Nerissa Bautista at Jovelyn Gonzaga para sa Army na nalagay ngayon sa ikalawang puwesto sa ligang inorganisa ng Accel at Mikasa.

Nasa unang puwesto sa walong koponang liga ang baguhang PLDT Home Telpad Turbo Boosters matapos ang 25-15, 26-24, 25-22 pananaig sa Air Force Air Spikers sa unang laro.

Sina Gretchel Soltones at Laurence Ann Latigay ay may 18 at 13 kills para sa 46-38 kalamangan.

May 15 digs din si Liz-lee Ann Pantone habang may 25 excellent sets pa si Rubie De Leon para ipalasap sa Air Force ang ikatlong pagkatalo matapos ang anim na labanan.

 

Show comments