MANILA, Philippines - Muling masusukat ang tibay ng Army Lady Troopers sa pagharap sa nagdedepensang Cagayan Valley Lady Rising Suns sa pagpapatuloy ngayon ng elimination round ng Shakey’s V-League Season 11 Open Conference sa The Arena sa San Juan City.
May limang sunod na panalo ang Lady Troopers ngunit mapapalaban sila sa Lady Rising Suns na noong nakaraang taon ay hindi natalo sa 16 laro para hiranging kampeon sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng Shakey’s.
Sa ganap na alas-4 ng hapon ang nasabing tunggalian matapos ang pagkikita sa alas-2 ng hapon ng PLDT Home Telpad Turbo Boosters at Air Force Air Women.
Ikaanim na panalo ang nakataya para sa Turbo Boosters na galing sa panalo sa National University Lady Bulldogs noong Martes.
Tinalo ang PNP Lady Patrollers noong Martes, ang mga napahingang sina Rachel Ann Daquis, Jovelyn Gonzaga at Tina Salak ang makikipagtulungan uli kina Mary Jane Balse, Nerissa Bautista at Ginie Sabas para manatiling malinis ang baraha sa ligang may ayuda ng Accel at Mikasa.
Palaban din ang Cagayan na galing sa magkasunod na tagumpay laban sa Lady Bulldogs at Air Women.
Sina Aiza Maizo, Angeli Tabaquero, Pau Soriano, Janine Marciano at Rose Vargas ang mga magtutulong para patikimin ng unang pagkatalo ang Lady Troopers.
Anim na koponan mula sa walong naglalaban ang aabante sa quarterfinals at pasok na ang Army, PLDT, Air Force at Cagayan, habang isang panalo na lamang ang kailangan ng mga collegiate teams na NU at Ateneo Lady Eagles para umabante.
Talsik na ang PNP mula sa kanilang 0-6 baraha, habang palaban pa ang UP Lady Maroons (0-5) pero kailangan nilang walisin ang nalalabing dalawang laro at manalangin na hindi makuha ng alinman sa Lady Bulldogs at Lady Eagles ang ikatlong panalo para magkaroon ng playoff.