MANILA, Philippines - Kumamada sina rookie Arvin Tolentino, Kiefer Ravena at Chris Newsome para ihatid ang Ateneo De Manila University sa 86-75 panalo laban sa University of the Philippines sa 77th UAAP men’s basketball tournament kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nagposte si Tolentino ng 20 points kasunod ang 19 ni Ravena at 18 ni Newsome para sa ikatlong sunod na ratsada ng Ateneo.
Kumpara sa unang dalawang panalo ng Blue Eagles, hindi nila naipagpag ang Fighting Maroons.
Buhat sa 23-21 bentahe sa first period ay kinuha ng Ateneo ang 63-49 kalamangan sa dulo ng third quarter bago nakalapit ang UP sa 67-71 agwat sa huling 4:47 minuto ng final canto.
Nagsalpak si Ravena ng isang three-point shot kasunod ang putback ni Tolentino para sa 11-1 atake ng Blue Eagles at tuluyan nang angkinin ang tagumpay.
“Defensively, against Kiefer he had to bleed for his points and also I think we were a step slower than they were. That’s the reason why I really on the onset wanted them to feel that the La Salle win we had is the same as UP,” sabi ni Ateneo coach Bo Perasol.
Nalasap ng Fighting Maroons ang kanilang ika-24 dikit na kamalasan.
Pinamunuan ni Kyles Lao ang UP sa kanyang 16 points kasunod ang 10 ni JR Gallarza.
Sa ikalawang laro, tinalo ng nagdedepensang De La Salle University ang National University, 57-55, para sa kanilang unang panalo matapos ang 0-2 panimula.
Kumonekta si Jason Perkins ng isang jump shot sa huling 6.0 segundo para sa pananaig ng Green Archers sa Bulldogs.
“We still have to find ways to execute things especially because of the injury of Thomas Torres, we are still trying to find out what to do,” ani coach Juno Sauler.
Nagtala si Perkins ng 14 markers para sa La Salle, habang nag-ambag ng 13 si Norbert Torres.
ATENEO 86 - A. Tolentino 20, K. Ravena 19, Newsome 18, Capacio 9, Elorde 7, Pessumal 5, Babilonia 2, Gotladera 2, Javellosa 2, Lim 2, Apacible 0, T. Ravena 0.
UP 75 - Lao 16, Gallarza 10, Juruena 9, Gingerich 9, Asilum 9, Dario 6, Vito 6, Reyes 5, Moralde 5, Bederi 0.
Quarterscores: 23-21; 46-38; 66-54; 86-75.
LA SALLE 57 – Perkins 14, N. Torres 13, Teng 9, Vosotros 7, Van Opstal 7, Andrada 3, Montalbo 2, Rivero 2, Bolick 0.
NU 55 – Aroga 12, Rosario 10, Khobuntin 9, Alolino 9, Javelona 5, Diputado 4, Alejandro 3, Neypes 2, Perez 1, Betayene 0, Atangan 0, Salim 0, Celda 0.
Quarterscores: 12-16; 35-29; 45-43; 57-55.