MANILA, Philippines - Nananalig si Ateneo Blue Eagles coach Bo Perasol na hindi magbabago ang intensidad na ipinakita ng kanyang bataan noong kinaharap at tinalo ang karibal na La Salle Green Archers sa pagbangga sa nangu-ngulelat na UP Maroons sa 77th UAAP men’s basketball ngayon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sa ganap na ika-2 ng hapon gagawin ang tagisan at sunod nito ay ang balikatan sa pagitan ng nagdedepensang kampeong Archers at National University Bulldogs dakong alas-4 ng hapon.
Ang Ateneo at National University kasama ang pahingang host UE Red Warriors ang magkakasalo sa unang puwesto bitbit ang 2-0 karta.
Galing sa impresibong 97-86 panalo ang Eagles sa Archers na kinakitaan ng pagtala ng mga career highs nina Kiefer Ravena, Von Pessumal, Alfonso Gotladera at Arvin Tolentino.
“I’ve seen the potential of this team,” wika ni Perasol matapos ang huling tagumpay. “Kung mailalabas ko lang lagi iyon ganoong pakiramdam nila kapag La Salle ang kalaban, maganda lagi ang magiging resulta.”
Kapag nangyari ito ay tiyak na malaking problema ito para sa Maroons na may 23-game losing streak na nagsimula noon pang 2012.
Pagsisikapan ng Bulldogs na maipagpatuloy ang malakas na panimula kahit wala na ang pambatong si Bobby Ray Parks Jr. sa pagbangga sa Archers na pilit na iiwas sa paglasap ng ikatlong sunod na pagkatalo.
Hindi makakalaro para sa tropa ni coach Juno Sauler ang starting guard na si Thomas Torres na may sprained ankle at mababakante sa loob ng isang buwan.
Pero may puwersa pa rin ang koponan dahil makakalaro ang sentro na si Arnold Van Opstal na sa labanan kontra sa Ateneo ay tila sinuntok ni Gotladera.
Ipinatawag ngayong umaga ni league commissioner Andy Jao si Van Opstal para pagpaliwanagin sa ginawa sa Ateneo center na dating manla-laro ng La Salle.
“But from what I saw, it was not a disqualifying foul and should not merit a suspension,” wika ni Jao. (AT)