MANILA, Philippines - Nakamit ng San Beda Red Lions ang ikalimang sunod na panalo habang tinapos ng St. Benilde ang tatlong dikit na pagkatalo sa 90th NCAA men’s basketball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Naghatid ng 16 puntos si Anthony Semerad mula sa bench habang ang mga starters na sina Arthur dela Cruz, Ola Adeogun at Kyle Pascual ay nagsumite ng 33 puntos para angkinin ang 81-55 panalo sa Emilio Aguinaldo College Generals.
Nakatulong pa sa panalo ang magandang depensa na naglimita sa Generals sa 29% shooting (18-of-62) tungo sa ikatlong sunod na pagyuko matapos ang apat na laro.
May 11 rebounds pa si Dela Cruz habang 8 ang dagdag ni Adeogun para madomina ng four-time defending champion ang rebounding, 54-45.
“Maganda ang depensa at napigil namin ang kanilang second chance points,” wika ni Lions coach Boyet Fernandez.
Ang rookie na si Je-rald Serrano ay mayroong 12 puntos pero ininda ng Generals ang 8 puntos lamang ni Noube Happi buhat sa 2-of-10 shooting sa field goal at 4-of-10 sa free throw line.
Tumapos si Paolo Taha taglay ang 24 puntos at kalahati rito ay kanyang ginawa sa ikatlong yugto para iwanan ng Blazers ang Letran Knights tungo sa 85-71 panalo sa second game.
May 16 puntos si Mark Cruz para sa Knights na hindi nakasama ang coach na si Caloy Garcia bunga ng one-game suspension para bumaba sa 1-4 karta.