Ang araw ay sa Ateneo
MANILA, Philippines - Pumutok ang mga kamay ni Kiefer Ravena sa huling yugto upang ang naunang dikitang laro ay nauwi sa 97-86 panalo ng Ateneo Blue Eagles sa karibal na La Salle Green Archers sa 90th UAAP men’s basketball kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Kinamada ni Ravena ang apat sa kanyang limang three-pointers sa huling 8:57 ng labanan upang ang 61-all iskor ay naging 85-71 kalamangan para dagitin ng Eagles ang ikalawang sunod na panalo.
May limang tres ang Eagles sa huling yugto para pagningningin ang 36-27 palitan at itulak ang nagdedepensang kampeong Archers sa 0-2 baraha.
Tumapos si Ravena bitbit ang 29 puntos, mas mataas ng isa sa dating career high na 28. May anim na puntos lamang siya sa first half at winakasan ang labanan tangan ang 14 puntos sa huling 10-minuto ng labanan.
“Si Kiefer, gumagawa iyan ng paraan to win the game. May ability siya to feel kung kailan gaganda ang laro niya,” wika ni Ateneo coach Bo Perasol na nakaisa rin sa La Salle matapos ang 0-2 karta sa unang taon sa koponan noong 2013.
Hindi naman nagsolo si Ravena dahil naunang sinandalan ng koponan ang sixth man na si Von Pessumal na tumapos taglay din ang career-high na 21 puntos.
May siyam si Pessu-mal sa ikalawang yugto para makabawi ang Eagles sa mahinang pa-nimula.
Sa ikalawang laro, ginimbal ng University of Sto. Tomas ang paboritong Far Eastern University matapos itakas ang 69-67 panalo.
Nagpaulan si Kevin Ferrer ng dalawang magkasunod na tres sa hu-ling dalawang minuto ng fourth quarter para ibigay sa Tigers ang una nilang panalo katabla ang Tamaraws sa magkatulad nilang 1-1 marka.
Tumapos si Ferrer na may 18 points kasunod ang 16 ni Karim Abdul at 14 ni Kent Lao.
- Latest