MANILA, Philippines - Nagpakita ang kabayong Marinx ng magandang kondisyon bilang paghahanda sa pagtakbo sa 3rd leg ng Philracom Hopeful Stakes race matapos ang dominanteng panalo sa nilahukang karera noong Biyernes sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite,
Si Jessie Guce ang siyang gumabay sa tatlong taong filly na pag-aari ni Mayor Leonardo Javier Jr., at dominado ng kabayo ang 1,100-metro karera matapos ang banderang tapos na panalo.
Sinikap ng Wild Talk na hawak ni Mark Alvarez na sabayan ang Marinx pero nagbayad ito dahil naubos ang tambalan sa rekta.
Dahil dito ay nalagay lamang ang kabayo sa pang-apat na puwesto.
Nakasingit pa ang Emergency Express ni Antonio Alcasid Jr. bago pumangatlo ang Kitty West ni JV Ponce.
Sa darating na Sabado gagawin ang Hopeful Stakes at ito ay paglalabanan sa 2,000-metro at ang ipinakita ng kabayong anak ng Sir Cherokee sa Syrinx na handa ito para madomina ang karera.
Paborito ang Marinx sa nasabing karera para maghatid ng P11.00 sa win, habang ang forecast na 10-2 ay mayroong P27.50 dibidendo.
Ang nakapanorpresa sa gabing ito ay ang Board Walk sa pagdadala ni Herminio Dilema at tumakbo sa class division 1-C sa 1,300-metro distansya.
Sinilat ng Board Walk, hindi tumimbang sa dalawang takbo sa buwang ito, ang Go Genius ni Virgilio Camañero Jr. at nanalo noong Hulyo 5.
May P285.00 ang ibinigay sa win, habang ang 7-6 forecast ay nagpasok ng P81.50 dibidendo.