Ateneo, NU asam ang panalo

MANILA, Philippines - Palalakasin ng mga collegiate teams na Ate­neo Lady Eagles at National University Lady Bull­dogs ang paghahabol ng puwesto sa susunod na round sa pagbangga sa wa­la pang mga panalong UP Lady Maroons at PNP Lady Patrollers sa Shakey’s V-League Season 11 Open Conference ngayon sa The Arena sa San Juan City.

Parehong galing sa magkasunod na pagkatalo ang Lady Eagles at Lady Bulldogs para sa 1-2 karta at  mahalagang maipanalo ang laro para lumaki ang agwat sa Lady Maroon at Lady Patrollers na hindi pa nananalo ma­tapos ang apat na laro sa ligang inor­ganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s katulong ang Accel at Mikasa.

Masasabing mas madali ang larong haharapin ng Ateneo sa alas-4 ng ha­pon dahil nakasuka­tan na nila ang UP sa mga laro nila sa UAAP.

Ang No. 1 scorer ng liga  na si Alyssa Valdez ang siyang magdadala sa La­dy Eagles.

Si Valdez ay gumawa ng 69 puntos, tampok ang 58 kills, matapos ang tatlong laro.

Si Jaja Santiago, may kabuuang 56 puntos sa liga, ang mamumuno sa  NU sa kanilang laro sa PNP sa alas-2 ng hapon.

Ngunit kakailanganin ni Santiago ng suporta  mu­la kina Myla Pablo at Sie­mens Desiree Dadang upang maigupo ang palabang PNP na ibabandera ng No. 2 scorer na si Fran­ces Xinia Molina (may 58 kabuuang puntos).

Ang Army Lady Troopers (4-0) at PLDT Home Telpad  Turbo Boos­ters (4-1) ang mga nakatiyak na ng puwesto sa quarterfinals.

Ang anim na mangu­ngunang koponan ang pa­­pasok sa susunod na yug­­to.

 

Show comments