Gilas lusot sa China: Para kunin ang third place trophy

MANILA, Philippines - Hindi matatawaran ang puso ng isang ‘Angas ng Tondo’.

Isinalpak ni Paul Lee ang tatlong krusyal na free throws sa nalalabing 0.3 segundo para ibigay sa Gilas Pilipinas ang 80-79 panalo kontra sa China at angkinin ang third place trophy ng 5th FIBA-Asia Cup sa Wuhan Sports Centre sa Wuhan, China kagabi.

Tumapos si Lee na may 9 points.

Binanderahan ni Rani­del De Ocampo ang Na­tio­nals sa kanyang 18 points, kasama dito ang 3-of-3 shooting sa 3-point range, habang nagdagdag ng 14 si Japeth Aguilar, 12 si LA Tenorio at tig-10 sina naturalized center Marcus Douthit at Beau Belga.

Mula sa mintis na da­la­wang free throws ni Zi­rui Wang sa hu­ling 11 segundo sa final canto ay nakahugot ng foul si Lee kay Kelanbaike Makan sa natitirang 0.3 segundo sa three-point line.

Isinalpak ni Lee ang tatlong free throws para akayin ang Gilas Pilipinas sa panalo laban sa China.

Kinuha ng Chinese ang 79-77 abante mula sa da­lawang free throws ni Ma­kan sa 46 se­gundo.

Bago talunin ang China ay nakalasap muna ang Gilas Pilipinas ng 55-76 pagkatalo sa Iran sa semifinals noong Biyernes.

Sa agawan para sa korona ng FIBA-Asia Cup ay tinalo ng nagdedepensang Iran ang Chinese-Taipei, 89-79.

Gilas Pilipinas 80 - De Ocampo 18, Aguilar 14, Te­norio 12, Douthit 10, Belga 10, Lee 9, Lanete 3, Wa­shington 2, Dillinger 2, Alas 0, Fajardo 0, David 0.

China 79 - Makan 23, Gao 11, Tao 11, Zhou 10, Wang 9, Gu 7, Zhang 6, He 2, Dong 0, Cao 0, Duan 0.

Quarterscores: 15-24; 38-44; 60-62; 80-79.

Show comments