MANILA, Philippines - Inako ni Philip Paniamogan ang 11 sa huling 15 puntos ng host Jose Rizal University Heavy Bombers para igiya ang koponan sa 69-60 panalo sa Letran Knights sa 90th NCAA men’s basketball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Ang kanyang pinakawalang triple ang nagtulak sa Bombers sa apat na puntos na kalamangan, 64-60, bago sinelyuhan ang ikalawang sunod na panalo sa tatlong laro sa pagpasok ng limang sunod na free throws. Ang apat na free throws ay mula sa technical fouls laban kina Knights coach Caloy Garcia at player Kevin Racal.
“Sinabihan ako ni coach na nagmamadali ako kaya ang ginawa ko ay naghintay ako ng tamang rhythm,” wika ni Paniamogan na ginawa ang lahat maliban sa isa sa kabuuang 22 puntos sa second half.
Nakatulong din sa panalo ang kontribusyon nina John Grospe at Bernabe Teodoro na may tig-10 puntos.
Bumaba ang Knights sa 1-3 baraha at muntik na nauwi sa kaguluhan ang laro nang sugurin ni Mark Cruz at iba pang kapanalig si referee Ian Borbe dahil sa pananaw na kontrobersyal na pagpito.
Inireklamo ni Cruz ang walang tawag sa huling play ng Knights at habang papalabas ng court si Borbe ay binato siya ng ilang Letran fans.
Napatalsik si Knights coach Caloy Garcia dahil sa dalawang technical fouls habang si Kevin Racal ay may isa.
May 19 puntos si Cruz habang 17 ang naidagdag ni Racal.
Kinuha naman ng Lyceum Pirates ang ikalawang panalo matapos ang apat na laro sa 80-78 tagumpay sa Mapua Cardinals sa ikalawang laro.
Magkakasunod na freet hrows galing kay Shane Ko ang naglayo sa Pirates, 74-69 na sapat na para itulak ang Cardinals sa kanilang ikaapat na sunod na pagkatalo.
Si Joseph Gabayni ay mayroong 23-puntos at 10 rebounds para pangunahan ang apat na Pirates na naghatid ng 15 puntos pataas.