MANILA, Philippines - Isasantabi ni Filipino Grandmaster Oliver Barbosa ang kanyang mga nakaraang hinanakit sa mga top sports officials para katawanin ang bansa sa 41st Chess Olympiad sa Agosto 1-15 sa Tromso, Norway.
“Oliver Barbosa is playing,” wika kahapon ni National Chess Federation of the Phl executive director at non-playing team captain Grandmaster Jayson Gonzales.
Makakasama ng 27-anyos na si Barbosa sina GMs Julio Catalino Sadorra, Eugene Torre, John Paul Gomez at ng bagong International Master na si Paulo Bersamina sa koponan na inabandona ni dating top board player Wesley So.
Nagpalit ng pederasyon si So at tatayong coach ng United States team.
Ilang araw na ang nakararaan ay nagdalawang-isip si Barbosa na sumama sa Tromso-bound team matapos putulin ng Phl Sports Commission ang kanyang monthly allowance mula sa P30,000 noong nakaraang taon para sa mababang P8,000 ngayong taon.
Ito ay dahil sa kabiguan niyang makakuha ng gold medal sa 2013 Myanmar Southeast Asian Games.
“I’m not yet sure,” sabi ni Barbosa.
Dahil sa maliit na suweldo ay nagdesisyon angTaytay, Rizal native na magtungo sa United States kung saan siya umasang mananalo para maipangtustos sa kanyang pamilya.
Naglaro si Barbosa sa second board sa likod ni So sa 40th Istanbul Olympiad noong 2012 at nagtala ng 7.0 points sa 10 matches.