Army kumapit sa liderato

MANILA, Philippines - Kumapit pa sa lide-rato ang Philippine Army Lady Troopers habang nakuha ng Philippine Air Force Air Spikers ang ikatlong panalo nang manaig ang dalawang military teams sa collegiate teams na National University Lady Bulldogs at Ateneo Lady Eagles sa Shakey’s V-League Season 11 Open Conference kagabi sa The Arena sa San Juan City.

Nagpasiklab ang mga spikers ng Lady Troopers na sina Nerissa Bautista, Rachel Ann Daquis, Jovelyn Gonzaga at Mary Jane Balse nang magtala ang mga ito ng 15, 12, 11 at 10 puntos para kunin ang 25-19, 25-22, 25-22, straight sets panalo sa Lady Bulldogs.

Hindi kinaya ng NU na tapatan ang malakas na paglalaro ng   Army dahil tanging si Jaja Santiago lamang ang lumaban para sa koponan upang makasalo ng Lady Troopers ang pahingang PLDT Home Telpad Turbo Boosters sa unang puwesto (3-0) sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng Shakey’s bukod sa suporta ng Accel at Mikasa.

Ang 6’4” na si Santiago ay naghatid ng 15 kills tungo sa 18 puntos pero ang sumunod na scorer para sa NU ay si Myla Pablo na may walong puntos lamang para bu-maba ang Lady Bulldogs sa 1-1 karta.

Ginamit ng Air Spi-kers ang kanilang karanasan para maisantabi ang palabang Lady Eagles tungo sa  22-25, 25-13, 25-13, 23-25, 17-15, panalo sa ikalawang laro.

Binalikat ni Maika Ortiz ang pagbangon ng Air Force mula sa 11-13 iskor bago kinumpleto ni Joy Cases ang panalo nang mailusot ang kill laban sa dalawang Ateneo blockers.

Bago ito ay nagtala ng net violation ang Lady Eagles para masira ang diskarte sa laban.

Nasayang ang 32 puntos ni Alyssa Valdez na kinatampukan ng 26 kills at 4 blocks dahil bumaba ang Ateneo sa 1-2 baraha.

Show comments