Farenas ‘di pinawisan kay Davis

MANILA, Philippines - Halos hindi pinawisan si Sorsogon slugger Michael Farenas sa paggulpi kay Mark Davis matapos umiskor ng isang technical knockout sa kanilang IBF super featherweight title eliminator sa Mashantucket, Connecticut.

Inihinto ni referee Steve Smoger ang naturang laban nina Farenas at Davis sa 0:59 ng eighth round.

Bagama’t hindi siya napatumba, binugbog naman ang 27-anyos na si Davis ni Farenas mula sa opening bell.

Walang tigil sa pag-atake si Farenas sa pagsisimula pa lamang ng kanilang 12-round bout ni Davis na nagresulta sa putok sa malapit sa kanang mata ng American boxer.

Nirapido ni Farenas ang bodega ni Davis sa second round hanggang mahilo ang huli sa fifth round at muntik kumulapso sa sixth round.

Bago magsimula ang seventh round ay tiningnan ng ringside physician ang kondisyon ni Davis at pinayagan itong ipagpatuloy ang laban.

Pagsapit sa eighth round ay inatake ni Farenas si Davis na nagdala dito sa lubid kasunod ang pagpapahinto ni Smoger.

 Si Farenas ay ginaba-yan ni Filipino trainer Marvin Somodio at tinulungan ni trainer Freddie Roach sa pag-eensayo sa Wild Card Gym.

“Sinagasaan ko siya,” sabi ni Farenas. “Alam ko, tatakbo siya kaya ‘di ko siya pinabayaan.”

Si Farenas ay No. 4 sa listahan ng IBF sa 130-pound division.

Sinabi ng kanyang manager na si Gerry Peñalosa na si Farenas ang magiging mandatory challenger sa mananalo sa pagitan nina IBF champion Argenis Mendez at No. 1 contender Rances Barthelemy sa Hulyo 10 sa Miami.

Tangan ngayon ni Farenas ang 39-4-4 kasama ang 31 KOs, habang si Davis ay may 18-1-0 record (5 KOs).   

 

Show comments