So isinama sa Phl Team para sa Chess Olympiad

MANILA, Philippines - Ang kawalan ng opis-yal na komunikasyon  mula kay Filipino Super GM Wesley So ang nagtulak sa National Chess Federation Philippines (NCFP) na isama siya sa line-up na ipadadala sa 41st World Chess Olympiad sa Tromso, Norway mula Agosto 1 hanggang 15.

Sa kalatas mula kay NCFP president Prospero Pichay kay PSC chairman Ricardo Garcia, limang manlalaro sa kalalakihan at kababaihan ang kanyang  ipinatala para masuportahan ng ahensya.

Bukod kay So, nasa men’s team din ang mga US-based GMs na sina Catalino Sadorra at Oliver Barbosa kasama ang kauna-unahang GM ng Asia na si Eugene Torre at si John Paul Gomez.

Ang 62-anyos na si Torre ang siyang nagkampeon sa Battle of the Grandmasters kamakailan lang habang si Gomez ang pumangalawa sa kompetisyon.

Sina WIM Cheradee Camacho, WIM Catherine Perena,WFM Janelle Mae Frayna, WNM Jan Jodilyn Fronda at Christy Larniel Bernalos ang bubuo sa women’s team.

Ang nakabase na sa US na si GM Rogelio Barcenilla Jr. at NCFP exe-cutive director GM Jayson Gonzales ang iniupo bilang head coaches ng men’s at women’s team.

Ang paglalagay kay So ay walang  katiyakan kung maglalaro siya.

 

Show comments