MANILA, Philippines - Matapos malimitahan sa 2 points sa kabuuan ng first half ay kumamada si Best Import Arizona Reid ng 27 markers para makatabla ang Rain or Shine sa nagdedepensang San Mig Coffee.
Kumolekta si Reid ng 29 points, kasama dito ang tatlong tatlong tres, bukod pa sa 17 rebounds para tulungan ang Elasto Painters sa 89-87 overtime win laban sa Mixers sa Game Two ng kanilang championship series sa 2014 PBA Governors’ Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Nagsalpak si Reid ng isang three-point shot sa hu-ling 6.7 segundo para ibangon ang Rain or Shine mula sa 101-104 kabiguan sa San Mig Coffee sa Game One noong Martes.
Mula sa 87-86 abante ng Mixers sa huling 13.0 segundo galing sa jumper ni two-ime PBA Most Valua-ble Player James Yap ay tumawag ng timeout si head coach Yeng Guiao para sa estratehiya ng Elasto Painters.
Gusto ni Guiao na sumalaksak si Reid para sa isang mabilis na basket.
Subalit tumipa si Reid ng tres sa kabila ng depensa ni Marc Pingris para ibigay sa Rain or Shine ang 89-87 bentahe sa nalalabing 6.7 segundo.
Nagmintis si Mark Barroca sa kanyang pabandang tira sa huling posesyon ng Mixers.
Ang tres ni Reid sa 1:08 minuto ng regulation ang pumuwersa sa laro sa extension, 80-80.
Umiskor naman si Yap ng isang tres at dalawang jumpers para sa 87-86 abante ng San Mig Coffee sa huling 13.0 segundo kasunod ang 3-pointer ni Reid para ipanalo ang Rain or Shine.