MANILA, Philippines - Lalapit ang Petron Lady Blaze Spikers ng dalawang hakbang para okupahan ang puwesto sa finals sa pagsukat sa Generika-Army sa 2014 PLDT Home-Philippine SuperLiga (PSL) All-Fili-pino Conference volleyball tournament ngayong hapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Sa ganap na ika-2 ng hapon itinakda ang unang laro sa liga na nagbakasyon ng dalawang linggo para magpaubaya sa idinaos na kompetisyon sa Cagayan Valley.
Dalawang men’s matches ang sunod na isasagawa at mangungu-na na rito ang mainit na PLDT-Air Force na hanap ang ikaanim na sunod na panalo laban sa Cignal dakong alas-4 ng hapon.
Ang Systema at Via Mare ang magtutuos sa huling laro dakong alas-6.
Format ng liga na inor-ganisa ng Sports Core at handog ng PLDT Home DSL ang pagbibigay ng unang puwesto sa championship round sa sinuman na makaka-sweep sa women’s division.
Tanging ang Lady Blaze Spikers lamang ang may pagkakataon sa insentibong ito dahil ang anim na katunggali ay pawang may mga talo na.
Tiyak na padadaanin sila sa butas ng karayom ng Lady Troopers na siyang naging kampeon sa naunang dalawang conferences na pinaglabanan sa ligang may ayuda pa ng Mikasa, Asics, Mueller Tapes, Jinling Sports Equipment, LGR, Bench at Healthway Medical.
Ang mga beteranang sina Jovelyn Gonzaga, Rachel Ann Daquis, MJ Balse at Jacqueline Alarca ay makikipagtambalan sa setter na si Tina Salak na sapul nang bumalik sa koponan ay naghatid ng tatlong sunod na panalo para makasalo sa ikatlong puwesto ang Generika-Army at AirAsia Flying Spikers.
Ngunit ang panguna-hing sosolusyonan ng Lady Troopers ay kung paano pipigilan ang 6’2” spiker na si Dindin Santiago na dominanteng manlalaro sa conference na ito.
Gumawa ng 37, 31 at 23 puntos ang top pick sa rookie draft na si Santiago para igiya ang koponan sa 3-0 karta.
Bumaba ang puntos ni Santiago sa huling laro laban sa RC Cola-Air Force dahil nananakit ang tuhod.
Ngunit ang nangya-ring bakasyon ay tiyak na nakatulong para bumalik sa dati ang kanyang kondisyon at patingkarin ang paghahabol ng Blaze Spikers sa insentibo. (AT)