Guiao, Walker nagkaayos na
MANILA, Philippines - Ilang beses nang nagpalitan ng matatalim na tinginan sina Rain or Shine head coach Yeng Guiao at Alaska import Henry Walker sa kanilang best-of-five semifinals series sa 2014 PBA Governors’ Cup.
Tinawag rin ni Guiao si Walker na “a menace and a bully” makaraang sikuhin sa batok si Paul Lee sa third period sa Game Four ng kanilang semifinals series.
Subalit ibang Henry Walker ang nakita ni Guiao matapos ang 97-94 panalo ng Elasto Painters sa Aces sa Game Five na tumapos sa kanilang serye sa 3-2 noong Sabado.
Lumapit si Walker kay Guiao at binigyan ito ng mahigpit na yakap at binati sa tagumpay ng Asian Coating franchise.
“You have to respect his effort, what he has done,” wika ni Guiao kay Walker na pinatawan ng multang P30,000 dahil sa pagsiko sa batok ni Lee sa 123-121 overtime win ng Rain or Shine sa Alaska sa Game Four.
Ayon kay Walker, wala siyang personal na galit kay Walker, isang NBA veteran, sa kabila ng mga hard fouls na ginawa nito sa kanilang serye.
At alam niyang propes-yunal rin si Walker.
“You have to separate what’s really the psyching up, the psych battles from professionalism,” wika ni Guiao. “It’s really just drawing the line, knowing when you have just to res-pect people for what they have done.”
Bago umalis sa Smart Araneta Coliseum matapos ang Game Five ay hinintay ni Walker si Guiao sa labas ng dugout ng Rain or Shine para magpaalam.
Nakatakdang simulan ng nagdedepensang San Mig Coffee ni Tim Cone at ng Rain or Shine ni Guiao ang kanilang best-of-five championship series bukas ng alas-8 ng gabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Matapos maghari sa 2014 PBA Philippine Cup at Commissioner’s Cup ay walang ibang hangad ang Mixers kundi ang makamit ang mailap na Grand Slam.
- Latest