MANILA, Philippines - Tuluyan nang nabuwag ang tandem nina guards Terrence Romeo at RR Garcia sa Philippine Basketball Association.
Ito ay matapos aprubahan kahapon ng Office of the Commissioner ang one-on-one trade para sa palitan nina Garcia ng Globalport at Keith Jensen ng Barako Bull.
Sina Garcia at Romeo ang naging sandata sa backcourt ng Far Eastern University sa mga nakaraang UAAP season.
Kapwa hinugot ng Batang Pier ni team owner Mikee Romero sina Garcia at Romeo noong 2013 PBA Draft.
Ang 5-foot-9 na si Garcia ay napiling No. 6 overall ng Globalport at nagposte ng mga averages na 6.4 points, 1.7 rebounds at 1.6 assists per game.
Inaasahang makaka-tambal ni Garcia sa kanyang paglipat sa Energy Cola ni head coach Siot Tanquingcen si pointguard Jeric Fortuna bukod pa kina Willie Miller, Bonbon Custodio at Denok Miranda. (RCadayona)