MANILA, Philippines - Iiwan na ni GM Wesley So ang Pilipinas para maglaro sa US.
Ito ang kanyang desisyon na ipinarating kay National Chess Federation Philippines (NCFP) president Prospero Pichay sa ginawang liham na lumabas sa blogsite ni GM Susan Polgar na siya ring coach ni So sa Webster University sa US.
Malinaw na isinaad ni So na malaki ang paniniwala niya na kung maglalaro para sa US chess federation ay malayo ang mararating ng kanyang career at posible pa siyang mapalaban sa World championship sa hinaharap.
Ipinaunawa din ng 20-anyos GM na nasa ika-15th puwesto sa FIDE rankings sa kalalakihan, na ang desisyon ay ginawa dahil sa US na rin maninirahan ang kanyang pamilya.
“My family has permanently moved to Canada. I now live and attend school full time in the United States (Webster University). I plan to reside permanently here. This is where I will have the opportunity to improve my chess and make a decent living as a professional player. I want to be able to play in top level tournaments. To get to the next level,†wika ni So sa kanyang liham.
Noong nakaraang taon pa niya sinimulan ang proseso at hiningi na rin ang basbas ng NCFP bagay na hindi umano niya nakuha.
Inalok pa niya ang NCFP na maglalaro siya sa 41st World Chess Olympian sa Tromso, Norway mula Agosto 1 hanggang 15 para payagan lamang.
Nais din niya sanang katawanin ang bansa sa World Rapid and Blitz Championships sa Dubai, United Arab Emirates mula Hunyo 15 hanggang 21.
Pero isinantabi na ang mga planong ito dahil kailangan niyang sumunod sa FIDE rules sa isang manlalaro na nais na lumipat ng pederasyon na hindi pinayagan ng mother federation.
Nakasaad dito na dapat hindi niya katawanin ang mother federation sa dalawang sunod na taon para makalipat.
Isang hakbang na puwedeng gawin ni So ay ang magbayad ng 50,000 Euros (halos P3 milyon) bilang transfer fee bagay na hindi niya umano kakayanin.
Mula pa noong 2013 ay hindi na kinatawan ni So ang Pilipinas sa mga FIDE sanctioned events at kasama na rito ang Myanmar SEA Games.
“I have no way of paying the 50,000 euros fees to the NCFP. Therefore, I will have no choice but to sit out another year to fulfill my full two year waiting period so no transfer fees are needed,†saad pa ni So.
Dahil sa desisyon, handa ang Philippine Sports Commission (PSC) na tanggalin si So sa talaan ng mga priority athletes.
Noon pang nakaraang taon ay lumabas na ang haka-hakang lilipat ng pederasyon si So pero mismong ang ama niya na si William ang humarap kay PSC chairman Ricardo Garcia para pabulaanan ang bagay na ito.
“I have not gotten any official notice from the chess federation. “When I get the official notice from the chess federation then we will decide. If he won’t play for the Philippines anymore, then we have to remove him,†wika ni PSC chairman Ricardo Garcia.