Andy Jao itinalaga na bagong Commissioner ng UAAP basketball

MANILA, Philippines - Inanunsiyo kahapon ng UAAP board ang pangalan ni Andy Jao bilang commissioner sa Season 77 ng liga.

“This is to officially announce the appointment of Mr. Andy Jao as basketball commissioner of UAAP Season 77,” wika ng kalatas galing kay UE athletic director at UAAP secretary general-treasurer Rod Roque.

Ang UE ang siyang tatayo bilang punong abala at papalitan ni Jao si Chito Loyzaga na naupo sa huling dalawang taon.

Naunang sinabi ng UE na nais nilang  maupo sa puwesto ang mga taong nanggaling sa Red Warriors at kahit si Jao ay hindi nagmula sa nasabing unibersidad, siya naman ay anak sa kasal ng may-ari ng paaralan na si Lucio Tan.

Ito ang lalabas bilang ikalawang pagkakataon na  mauupo si Jao sa puwesto matapos kunin ng Ateneo noong 2011 season.

Naniniwala si  Jao na ang mahabang karanasan sa basketball ay makakatulong para magabayan niya sa maayos na pamamaraan ang UAAP.

Bukod sa pagiging dating UAAP commissioner, si Jao ay naupo na rin bilang commissioner sa nagsara nang Philippine Basketball  League mula 1989 hanggang 1990.

Isang kilalang basketball commentator, si Jao ay naupo na rin bilang team manager dati ng Rain Or Shine Elasto Painters.

Si Jao ay konektado ngayon sa Talk N’Text bilang adviser.

Una niyang inihayag ay ang pagtapik sa Basketball Referees Association for Schools, Colleges and Universities (BRASCU) na pinamumuan ni Romy Guevarra. (AT)

 

Show comments