Prayoridad ni Arum ang laban vs Marquez

MANILA, Philippines - May iba pang boxers bukod kay Juan Manuel Marquez ang posible maging kalaban ni Manny Pacquiao ngunit mas nakatutok si Top Rank Inc. chief Bob Arum sa mahigpit na karibal ng Pinoy boxing hero na si Juan Manuel Marquez.

Ayon sa World Boxing News report, mas prayoridad ni Arum ang pagtatakda ng ikalimang paghaharap nina Pacquiao at Marquez na posibleng gawin sa Macau sa November.

Pumirma kamakailan si Pacquiao ng bagong kontrata sa Top Rank na tatagal hanggang 2016 at kinapalooban ito ng dalawang laban kada-taon para sa ‘fighting Congressman.’

Nagpahayag ang British Amir Khan ng kanyang interes na kalabanin si  Pacquiao, dati niyang sparmate. Posible rin ang laban kontra kay Saul ‘Canelo’ Alvarez bagama’t nasa ilalim ito ng kalaban ng Top Rank na Golden Boy Promotions.

Ngunit kay Marquez lang nakatuon si Arum.

“I can say that there have been talks regarding Khan or Canelo, but perhaps Canelo is an opponent for next year,” sabi ni Arum.

Apat na beses nang nagharap sina Pacquiao at Marquez at naka-iskor ng knockout ang Mexicano sa kanilang pinakahuling paghaharap.

Sa kanilang mga huling laban, nanalo si Pacquiao at Timothy Bradley noong nakaraang buwan habang tinalo ni Marquez si Mike Alvarado ilang linggo pa lang ang nakalilipas kaya matunog ang kanilang inaasahang rematch.

 

Show comments