MANILA, Philippines - Hahangarin ng Hagdang Bato ang pangalawang sunod na stakes win sa pagsali nito sa 2014 PCSO Silver Cup na itatakbo sa Hunyo 1 sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Pitong kabayo ang nagpatala sa karerang suportado ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at pagÂlalabanan sa mahabang distansya na 2,000-metro.
Sinahugan din ang karera ng P3.8 milyon at ang mananalo ay maghahatid sa kanyang connections ng P2.5 milyong premyo.
Si Jonathan Hernandez ang didiskarte pa rin sa Hagdang Bato na siyang nagdedepensang kampeon sa magaganap na karera.
Bukod sa pagpapanatili sa Silver Cup, nais din ni Hernandez na masundan ang dominanteng panalo na naiukit sa Philracom Commissioner’s Cup noong Marso 30 sa nasabing race track na pag-aari ng Philippine Racing Club Inc. (PRCI).
Mangunguna sa susukat sa back-to-back Horse of the Year awardee ay ang 2013 Presidential Gold Cup champion Pugad Lawin.
Si Jessie Guce ang sasakay sa pagkakataong ito sa Pugad Lawin mula kay Pat Dilema na naihatid lamang ang kabayo sa pangatlong puwesto sa Commissioner’s Cup.
Kasali rin ang Tensile Strength (JT Zarate), Spinning Ridge (JA Guce), Sulong Pinoy (JPA Guce), Steel Creation (MA Alvarez) at Captain Ball (FM Raquel Jr.).
Nanalo sa naunang dalawang leg ng Imported/Local Challenge, sumali rin ang Tensile Strength sa Commissioner’s Cup pero hindi tumimbang ang nasabing kabayo.
Dahil dito ay nagpalit din ng hinete ang Tensile Strength sa pagtapik kay Zarate mula sa dating jockey na si Dominador Borbe Jr.
Isang double leg winner ng 2013 Triple Crown Championship, ang Spinning Ridge ay ibabalik sa dating hinete na si JA Guce upang higitan ang pang-apat na puwestong pagtatapos sa stakes race noong Marso na naibigay ni JPA Guce.
Bilang isang kampeon ng Silver Cup, pinatawan ang Hagdang Bato ng pinakamabigat na handicap weight na 58.5-kilos.
Ang Tensile Strength at Sulong Pinoy ay mayroong 56-kilos, ang Pugad Lawin at Steel Creation ay may 55.5-kilos at ang Spinning Ridge at Captain Ball ay may 55-kilos.
Ang papangalawa sa datingan ay mag-uuwi ng P700,000.00, ang papaÂngatlo ay may pabuÂyang P350,000.00 habang P250,000.00 ang mapapasakamay ng papang-apat. (AT)